
Ako ay nababahala sa desisyon ng ilang private hospitals na huwag munang tumanggap ng mga guarantee letters na napakahalaga para mabawasan sana ang hospital bills ng mga pasyente natin.
Naiintindihan natin na mahirap naman talaga mag-operate ang isang ospital kung marami pang collectibles o singilin. Paano ka mag-operate kung wala kang cash na magagamit pambili ng supplies at pambayad sa medical personnel?
Umaapela tayo sa DOH na bigyan ito ng pansin at i-settle agad ang mga bayarin sa private hospitals, na napabalitang umaabot na sa P530 million, sa pamamagitan ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program.
Dapat ding klaruhin ng DOH: Bakit ang tagal bayaran? Saan ba nagtatagal? Sa DBM ba o sa DOH? Ano ba ang inuuna ninyo?
Pera ng Pilipino ‘yan, dapat lang na ibalik sa kanila sa pamamagitan ng maayos na medical assistance.
Tandaan natin, sa bawat minuto na may delay ay posibleng buhay ang kapalit. Buhay ng mga Pilipino ang nakataya dito.